
Carlo and I would like to greet all the Filipinos out there a
Happy 109th Independence Day!!
Ilang oras na lang, ako ay pupunta sa Five Star o Victory Liner para sumakay ng bus pauwi sa aking bayang kinalikhan, Dagupan City - The Bangus Capital of the World.
Dalawang buwan din akong hindi umuwi sa amin. Hindi po ako naglayas o namasukan sa kung saan-saan. Ako ay nakipagsapalaran para sa aking kinabukasan.
Naaalala ko ang gabi na ako'y umalis ng Dagupan patungo dito sa Maynila.
Hindi ako makatulog noon. Birthday kasi ni Carlo at sobrang init pa. Nagtitipid ako noong mga araw na iyon kaya pinagkasya ko ang Php100 para sa aking regalo sa kanya na sari-saring laruan galing sa palengke. Tuwang-tuwa naman siya lalo na sa Doreamon stickers at teks cards na Asian Treasures.
Bilang ate na sobrang nagmamahal sa kanyang malusog na kapatid, nahirapan akong iwan siya. Sobrang higpit ng yakap niya sa akin. Hindi ko alam kung alam niya talaga na ako ay aalis ng matagal, pero naiyak ako habang halos maghalikan na kami sa sobrang lapit ng aming mga mukha. Ilang gabi ko rin siya hindi makakatabi. Hindi ako sanay.. Hindi talaga ako sanay.
Noong gabi rin na yun ko naisip na sa buhay, kailangan mo rin magsakripisyo kahit gaano mo kamahal ang isang tao lalo na ang iyong mga kapamilya (kapuso pala). Naisip ko rin na kung hindi ako magsasakripisyo, paano ko mapapagaan ang buhay namin? Kakayanin kong gawin ang lahat para sa pamilya ko lalo na sa kapatid ko. Cute kasi siya hehe pero totoo, mahal na mahal ko siya.
Binilin ni Lolo na gisingin ko siya bago ako umalis para siya ang maghatid sa akin sa bus terminal. Noong una ay ninenerbyos ako hindi dahil sa byahe, ngunit dahil sa hindi ko alam kung kakayanin ko ang pakikipagsapalaran ako dito. Marami akong insecurities noon dahil pakiramdam ko ay hindi sapat ang aking mga nalalaman para makapasok sa isang kompanya. Oo, OJT lang ang papasukan ko pero gusto kong umangat kaagad at ito ang unang hakbang na hindi dapat balewalain.
Maraming binilin si lolo noon ngunit pansin ko na may lungkot sa kanyang mga mata. Bihirang magpakita ng emosyon ang aking grandpapa (sweet din pala si lolo) at bigla niya akong niyakap. Gusto kong umiyak noon ngunit siya'y aking sinuklian ng ngiti - at sinabi ko na gagawin ko ang lahat para siya ay maging proud para sa akin at nagpalaki siya ng isang batang alam ang kanyang gusto sa buhay.
Sa unang linggo ko sa Maynila, natutunan kong mag-budget ng pera. Meron akong limit sa paggastos ng aking supply ng pagkain pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako marunong magluto.
Natutunan ko ang pinagdadaanan ng bawat empleyadong pilipino na tinitiis ang init at usok ng metro manila para lang makapasok sa trabaho. Minsan nga pagpasok mukha na silang bagong ligo - sa pawis. Lahat yan tinitiis nila para maka-survive ang kanilang pamilya. Grabe talaga.
Nagkita ulit kami nina lolo, lola, ate virgie at carlo noong kaarawan ko. For the first time dito ako sa Maynila nagdiwang ng aking birthday. Twenty years old na ako. Hindi na ako teenager. Papasok na ako sa stage kung saan ako na talaga ang magdedesisyon sa patutunguhan ng aking buhay. Hindi na ako bata at hindi rin ako gagawa ng bata este hindi ako dapat gumawa ng kalokohan.
Marami din tao ang nag-inspire sa akin. Nag-aaral ako ng mabuti sa eskwelahan dahil gusto ko magkaroon ng best options sa aking buhay. Sarap pala ng feeling na puro positive ang outlook sa buhay ng mga kasama mo.
Mamaya-maya, nasa Dagupan na ako.. Babalikan ko na ang dati kong buhay. Huling semester ko na rin bilang college student. Malapit na akong grumaduweyt! Marami pa akong gustong gawin bilang student leader. Gusto ko rin makipag-ayos sa mga taong nasaktan ko at nakasakit sa akin. Sabik na rin akong makita ang mga kaibigan kong naiwan (ngunit ang totoo sila'y nangiwan dahil nauna na silang grumaduweyt) at syempre, sabik na akong mahagkan at mahalikan ang pinakamamahal kong si Carlo.
Ano kaya ang naghihintay sa aking pagbabalik?
Pangasinan’s a worthwhile place. Besides the scorching heat (mas mainit pa sa NCR), there are lots of things that could be done like, ah, well, you know, yun…
Ahm… marami ring tsismis!
Anyway, goodluck with studies and do your best. You determine what your future will be. Not people who bring you down or even people who encourage you - it depends on how you view obstacles and how it could either motivate/degrade you to achieve your goals.
REMEMBER: Successful people did NOT JUST WANT to be successful - they CHOSE to.
God bless you and your family.
Be safe (CordyMax-context)!
Posted by FX at June 12, 2007, 9:53 pm
HOME SWEET HOME that’s what they say. kisses to Carlo
Posted by SexyMom at June 12, 2007, 9:34 am